
Ang lungkot ng pag-iisa
ay tinalo ng takot.
Ang takot ay pinamanhid ng pagnanais mabuhay,
at ng pagkabaliw na gumagapang at nanunuot sa bawat sulok ng aking utak--
Pero, paano ko sasabihing nababaliw nga ako, kung ang mundo ngayo’y mas baliw pa sa akin?
Pa'no ij-justify ang sanity,
kung binasag na ng mga improbability ang mga probability-
at ang dating nababasa lang sa komiks o napapanuod sa sine
ay totoo nang nangyayari?
Pero, wala na akong oras para hanapin ang reason.
Mas matimbang ang survival.
Ang puso ko ay kumikirot,
hindi dahil sa sawing pag-ibig,
kundi dahil sa matinding pagkabog at
walang hintong pag-untog nito
sa pader ng kulungang tadyang
Tangan ang chainsaw at shotgun at ang natitirang hibla ng nasisimot nang pasensya,
In-analyze ko ang mga posibleng landas na puwedeng tahakin.
Pero wala, blangko.
Nakakubli.
Nakatago sa isang madilim at kandadong kuwarto.
Tahimik.
Maingat sa paghakbang--
maging sa paghinga.
Sa mga nagdaang araw, natutunan ko nang patalasin
ang pandinig,
maging ang pang-amoy.
Maselan sa bawat tunog
sa bawat kakaibang kaluskos, o mabikat na yabag.
alerto sa amoy ng kamatayang hatid ng paminsan-minsang pag-ihip ng hangin.
Dito, natutunan kong maging matibay.
Manhid.
Walang awa.
Magpakahayop.
Pero, kahit ang hayop na walang asal at walang awang pumapatay
ay walang laban sa salot na ngayo’y nagkalat.
Nagbukas ako ng isang pakete ng Skyflakes.
Makunat na pala ito. Okay, lang.
Mas naka-panglulumo ang katotohanang tatlong pakete na lang ang natitira
at ang galon ko ng tubig ay wala nang laman.
Kung malakas lang ang loob ko, malamang sana’y pinasabog ko na ang aking ulo.
Tulad ng ginawa ko sa aking minamahal--
dalawang araw na ang nakakaraan.
Sino bang mag-aakala na pati siya?
Sino ba ang mag-aakala na siya’y magwawala at magtatangkang ako’y lapain?
Sino bang mag-aakala na ‘di ko nakita ang pagkakaroon niya ng sintomas?
Sino bang mag-aakala na ibababa ko ang aking depensa
at patutuluyin s’ya sa aking pinagtataguan?
Ngayon, ang kanyang bangkay na malapit sa aki’y nagsisimula nang umalingasaw ay nagsisilbing patunay na patay na ang mundong aking nakagisnan.
‘Sing patay ng diyos na kanyang pinagmulan.
At mula dito sa kadiliman,
aking pinagluksa ang lungkot
at pait ng
aking pag-iisa.

No comments:
Post a Comment